Comelec: Magpa-biometric upang makaboto; deadline sa Oktubre 31, 2015

news6252014MAYNILA – Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) kamakailan ang mahigit 4.3 milyong botante na sumailalim sa biometrics, na pangunahing pangangailangan upang makaboto sa halalan sa May 9, 2016.

Itinakda ng komisyon ang Oktubre 31, 2015 bilang huling araw ng pagpaparehistro upang makaboto.

Sa isang panayam sa telepono, ibinabala ni Comelec spokesman James Jimenez na kapag walang biometrics, kahit rehistrado ang sinumang botante ay hindi makaboboto sa 2016.

Sinabi ni Jimenez na bukas ang lahat ng tanggapan ng Comelec sa buong bansa upang tumanggap ng balidasyon at rehistrasyon ng aplikante mula Linggo hanggang Biyernes, dakong 8 a.m., hanggang 5 p.m.

Nagtayo ang Comelec ng registration at off-site validation center sa mga shopping malls upang pagsilbihan ang hindi pa naba-validate ang kanilang rehistrasyon.

Sa ilalim ng biometric system, naka-record ang lahat ng impormasyon ng isang botante kabilang ang larawan, fingerprint at lagda sa database ng Comelec.

Gagamitin ito upang purgahin ang doble-dobleng rehistrasyon mula sa pinal na listahan ng botante.

Iginiit pa ni Jimenez na kailangan mai-validate muna ang biometric ng botante bago makaboto sa araw ng halalan.

Agresibong ipatutupad ng Comelec ang kampanyang “No Bio, No Boto” na siyang kondisyon na itinakda sa Republic Act 10367 o An Act Providing For Mandatory Biometrics Voter Registration, na ipinatupad nitong June 26, 2013.

Itinakda ng batas na kapag hindi pa nailalagay ang biometrics ng isang rehistradong botante, kailangan muna itong sumailalim sa validation upang makapagbuo ng kumpletong listahan ng botante na may kumpletong biometric data para sa May 2016 national and local polls.

Sinabi pa ni Jimenez na kapag nabigo ang isang botante na maipa-validate ang kanyang biometric, mawawala ito sa listahan at maaari lamang makapag-aplay sa reactiviation ng kanilang registration records pagkatapos pa ng May 2016 elections.

Samantala, umapela naman si Presidential deputy spokesperson Abigail Valte sa lahat ng Filipinong botante na iwasan ang last-minute validation at registration.

“Tumungo na tayo at magtakda ng oras upang maisagawa ang inyong biometric,” ayon kay Valte.

“Mababawasan ang problema na normal na ating kinahaharap tuwing halalan. Kaya nakikiusap tayo na huwag nang maghintay sa huling linggo, sa huling tatlong araw, o huling araw, kahit huling dalawang minuto upang makuha ang inyong biometrics,” aniya.

Magsisimula ang rehistrasyon sa bago at lumang botante sa May 6, 2014 at magtatapos sa Oktubre 31, 2015.

Source: Interaksyon

Kaugnay Na Mga Post: